Copyright

myfreecopyright.com registered & protected

Tuesday, December 6, 2011

My SJV Series (An Introduction)


Well, bago ako magsimula hayaan ko munang i-describe ang SJV o St. Joseph Village. Isa siyang private subdivision sa Jaro district sa Iloilo City. Katabi nito ang mga Cubay at Alta Tierra Village sa Jaro. Dahil nasa pagitan ito ng District ng Jaro at La Paz (pinagmulan ng La Paz Batchoy), kaya katabi din nito ang Ledesco Village ng La Paz.

Ang subdivision na ito ay hindi masyadong gwardiaydo dahil hindi ito napapaligiran ng pader kundi bakod lamang na barb wire at taniman. May kalakihan ang subsivision na ito, may apat na Phases o anim... di ko matandaan.

Malapit sa bahay ni Mama Tony ay ang parang rotonda. Kung saan andun ang basketball court ng village at playground na rin. Pero sa sobrang laki ng rotondang ito ay mahirap i-maintain kaya may mga parte na nagtataasan ang mga talahib. Paborito ko dito ang dalawang puno ng kamatsile na kapag hitik sa bunga ay inaakyat ko. Pero ingat na ingat akong pumasok dito dahil sa taas nga ng talahib ay baka daw may mga ahas dito. Ang rotondang ito ang nagsisilbing biking site at jogging site na rin ng mga taga-village.

Nasa bungad nito ang St. Joseph Seminary na nagsisilbi ding simbahan ng lugar na iyon. Marami-rami na rin ang mga bahay sa lugar na iyon pero ang bahay nina Mama Tony ang isa sa pinakamalaki at pinakamaganda doon.

Bawat block ay kasya ang dalawang bahay na magkatalikuran pero ang lupa nina Mama Tony ay sakop ang apat na lote hanggang likod kaya dalawang kalye ang labasan namin. Pwede sa harap at sa likod. Merong apat na gate sa bahay na ito, pero dalawa lang ang palaging ginagamit.

Sa harap ay may dalawang gate magkabilaan. Parang ang isa ay kung may papasok na sasakyan at ang isa ay palabas. Sa harap ng bahay ay may mangilan-ngilan ding magagandang tanim at ang pinakapaborito ko doon ay ang dama de noche na kung gabi ay nilalabas ko pa para makita ang pagbukas nito.

Sa may kanan ng bahay kung nakaharap ka dito ay andun ang maganda at malawak na garden. May mangilan-ngilang fortune plant dahil swerte daw ito. Nasa tabi ng pader ang ilang puno ng tisa (o Tiyesa sa Tagalog). Naging paborito ko din ito at palagiang dinadala sa school. May ginawang duyan doon na masarap higaan tuwing hapon sa ilalim ng puno ng tiyesa.

Nasa gitna noon ang ginagawa pa lang na rebulto ni St. Joseph. Napapaligiran ito ng apat na Grecian Columns. Di pa tapos nung dumating ako kaya palaging may pumupuntang trabahador doon at paminsan-minsan ay nagstay din doon sa quarters ni Bon.

Mayroong mga pathway na gawa sa slabs na marmol at ang lupa ay natatakpan ng bermuda grass. Sa may bandang likod ng bahay ay may ginagawa na ring cottage na may walong dingding, parang bagua, para swerte daw. Marami na ring mga pala-pala o garden plots na tinataniman ng mga kalabasa, talong, okra, kamatis, gabi, ampalaya, kangkong, kamoteng dahon at alogbate. Nasa dulo naman ng bahay ang mga puno ng saging at kamoteng-kahoy. Kaya madalas na ito ang meryenda namin, iba't ibang luto ng saging at kamoteng -kahoy. At ang mga gulay namin ay galing din doon.

Si Ate Linda ay mabait at saksakan ng pakumbaba. Maasikaso, magalang, mahinhin at higit sa lahat mabilis kumilos. Si Kuya Mario naman ay hindi ako masyadong kinakausap. Para talaga niya akong tinuturing na bisita lang. Palagi din itong umiiwas.

Si Bon ay gusto ko dahil sa siya lang ang palagi kong kausap lalo na kapag nagda-drive kami papunta sa school.

Si Mama Tony naman ay gustong palagi akong kausap bago ako pumasok at pagkauwi ko. Kaya sabay talaga kami palagi ng almusal at hapunan. Sa school na ako nanananghalian dahil malayo na ang bahay sa school. Masyado niya akong nasu-spoil dahil 300 pesos ang baon ko araw-araw... malaki-laki na iyon para sa high school student almost 10 years ago. Kada Linggo naman ay sinasama niya ako sa Gaizano City para mag-shopping. Nabibilhan ako ng 3 hanggang 6 na damit sa isang Linggo. Maswerte pa kapag may pantalon at sapatos na kasama.

Tuwing Linggo naman ay sinasama ako ni Mama Tony sa pagsisimba sa St. Joseph Seminary. Nasa bandang harapan pa kami nakaupo samantalang sina Kuya Bon, Ate Linda at Kuya Mario ay nasa likod na.

Bawat upuan ng seminaryo ay may mga seminarista sa gitna malapit sa aisle. Mga seminarista na college level na.

Dito sa subdivision na ito iikot ang buhay ko. Di ko muna sasabihin kung gaano katagal... o kaiksi.



Lunes, di ako pumasok dahil medyo masama pa ang pakiramdam ko sa lahat ng nangyayari sa akin. Di naman ako pinagalitan ni Mama Tony dahil nga naiintindihan naman niya ang pinagdaanan ko.

Paminsan-minsan ay dinadaanan niya ako sa kuwarto at kinukumusta. Pinapahatiran niya pa ako ng pagkain kay Ate Linda, minsan si Kuya Bon din ang naghahatid.

Mga bandang alas-kuwatro ay tumawag sina James at Rod sa telepono namin. Ibinigay ni Kuya Jay sa kanila. Kinumusta ako.

"Okay lang ako, baka bukas papasok na rin ako." sabi ko.

Medyo kaunti lang ang napagkuwentuhan namin dahil may klase pa sila sunod.

Pagkatapos noon ay nanamlay uli ako at nakaidlip.

Nagising ako na madilim na ang paligid.

Nakaramdam ako ng pagkagutom at lumabas ng kuwarto. Nakita ko sa orasan sa hagdan na ala-una na pala ng madaling-araw. Bumaba ako sa hagdan at pumunta ng kusina.

Muntikan na akong sumigaw nang makita kong may nakaupo sa mesa. Saka ko lang naaninag na si Kuya Bon pala at umiinom ng tubig.

"Kuya BOn... tinakot mo ako." bulalas ko.

Napatawa siya ng mahina.

"Sensya na ha? Di ako makatulog e." paliwanag nito.

Lumapit ako at umupo sa mesa.

"Tulog na ba silang lahat?" tanong ko.

"Oo, mga alas-nuwebe pa lang e natutulog na si Ate Tony, sina Kuya Mario naman ay mga alas-diyes kasi maaga pa iyon nagigising."

"Ahhh... Nagalit ba si Mama Tony dahil natulog lang ako buong araw?"

"Naku hindi, maya't maya ka nga niya pinupuntahan sa kuwarto mo at tinitingnan ang lagnat mo e." sagot nito na nakangiti. Lumabas ang kaguwapuhan nito.

"Nilagnat pala ako." gulat kong tugon.

"Oo, antaas nga kanina e. Kaya di ka na namin ginigising kung tulog ka. Di mo yata naalala, pinakain kita kaninang hapon." abot-tenga pa rin nitong ngiti.

"Huh? Talaga? BAkit wala akong maalala?" gulat uli ako.

"Antaas kasi ng lagnat mo e. Okay lang iyon madali ka namang pakainin e. Kaso kailangan ka pang sumandal sa balikat ko para makaupo ng diretso."

Nag-init ang mukha ko sa hiya. Di ko maalala ang ginawa ko kanina. Pero sa isip ko sayang di ko maalala. Tiningnan ko ang balikat niya. Nakasando lang ito kaya kitang-kita ang matipuno nitong balikat at braso. Ano kaya ang pakiramdam na nakasandal sa balikat niya.

"Muntikan ka na ngang yumakap sa akin e. Di ka kasi makaupo ng diretso." sabi pa nito.

Sa isip ko ulit... sana talaga nasa huwisyo ako noong panahon na iyon.

"Sensya na Kuya Bon, di ko talaga maalala. Sorry sa abala sa'yo kanina." mahiya-hiya kong sabi.

"Okay lang iyon. Bisita ka ni Ate kaya dapat pagsilbihan din kita gaya niya." pagpapaliwanag pa nito.

Ewan ko pero parang sumama uli pakiramdam ko sa sinabi niya. Parang di ko gusto yung sinabi niya.

"Gusto mo bang kumain?" tanong nito.

Di pa ako nakasagot ay tumayo na ito at kinuha ang pagkain sa ref. Binuksan ang stove at ininit ito.

"Grabe ha? Di pa nga ako nakasagot e." ngingiti-ngiti kong sabi.

"Alam ko namang gutom ka e. Ilang oras ka kayang di kumain." sabi nito habang palingon-lingon sa akin habang iniinit ang ulam. Pinindot niya rin ang rice cooker para umandar.

"Salamat ha?"

"Okay lang sabi iyon e."

Umupo uli siya sa harap ko.

"Siyangapala, anong oras ng pasok mo bukas?" tanong nito.

"Alas siyete po."

"Ahhh... sige, so dapat alas-sais ay gising ka na para makaalis tayo ng 6:30. Di pa naman traffic nun e kaya wala pang 30 minutes e nasa school niyo na tayo."

"Huh? Ihahatid mo ako?" gulat kong tanong.

"Oo. Sinabi na sa akin ni Ate kanina yun. Alam ko na kung saan ang school niyo. Pero di ko lang maintindihan kung bakit bawal kang iwan sa school niyo. Di daw ako pwede umuwi nang di ako kasama. Kaya buong araw din akong tatambay dun sa labas ng school niyo." sabi nito.

"Ganun? E di bored ka nun?" sabi ko.

"Oo nga e. Mga sampung oras din akong walang gagawin dun ah. Ano bang malapit dun?" tanong niya.

"Hmmm... may bilyaran dun sa tapat ng school." sabi ko.

"Di ako mahilig dun." aniya.

"Hmmm... mahilig ka ba sa playstation?" tanong ko.

"Oo, nilalaro ko yun dati nung bata ako e." sabi niya.

"E di dun ka na lang din sa tapat, may mga Playstation dun e. Kaso sampung piso kada oras yun." sabi ko.

"Okay lang, bibigyan naman daw ako ni Ate Tony ng 200 kada araw e pangkain ko daw at pangmeryenda habang hinihintay ka." sabi nito.

"Ahhh... e di maganda." nakangiti kong sabi.

"Ambait ni Ate talaga no." sabi pa nito.

"Oo nga e."

Nang maamoy niya ang ulam ay agad na pinatay ang stove at kinuhanan ako ng pinggan. Tatayo sana ako kaso sinenyasan niya akong umupo.

Inihain niya ang ulam at kanin sa pinggan ko at binigay sa akin.

"Pakabusog ka ha? Kailangan mong magpakalakas kundi babalik ang lagnat mo." aniya.

"Okay lang yun, andiyan ka naman para alagaan ako e." biro ko.

Medyo nahiya ako sa sinabi ko.

Ngumiti lang siya.

"Kunsabagay. Ansarap mo alagaan e, tahimik lang at malambing." sabi niya.

Nag-init na naman mukha ko sa hiya.

Malambing ba yung sumasandal ako sa balikat niya at halos yakapin siya? Malandi ang tawag dun.

"Kuya, para naman di ka mabored doon, sabay na tayo kumain ng pananghalian araw-araw para naman may kasama ako." sabi ko.

"E saan naman tayo kakain doon?" tanong niya.

"Pwede ka namang pumasok kapag lunch e. Basta ipagpaalam lang kita sa guard." sabi ko. Kahit di ako sure na pwede yun.

"Sige ba. Para naman makita ko loob ng school niyo." tuwang tugon nito.

"Naku, pangit ang school namin. Di yun private school." sabi ko naman.

"Okay lang. Basta ba magkasama tayo kumain e." sabi nito.

Tinitigan ko lang uli ang guwapo niyang mukha at tuloy na kumain.

Pagkatapos kumain ay agad niyang kinuha ang pinggan ko at hinugasan. Nagpaalam ako sa kanya dahil nanghihina na naman ako. Dumiretso na ako sa kuwarto at natulog.

=================================================

Reminder:

!!!Not for reposting!!! Please? This is a personal story. Not fiction so please do not re-post as your own. Thank you.

Don't forget to follow.'

For suggestions or comments, please feel free to message me at 09175863989. Thank you.

1 comment:

  1. Wow, Gel! I'm torn between feeling sorry for you and feeling envious of you. hahaha! Another addicting chapter na susubaybayan ng marami. :-)

    ReplyDelete