Friday, April 15, 2011
My Seminary Series (Part 1)
This is the third series that I will post on my blog. Sadly, My Provincial Series had a very bad ending... You were all right, it was sad writing it. I even ended up crying because of writing it. =(
Anyway, My Seminary Series is the series after My Provincial Series because it happened after it. Anyway, this is how this is how this is connected to My Provincial Series.
====================================
Kahit maraming dumadaang sasakyan ay wala akong pinara. Gusto kong lakarin pauwi ng Iloilo. Gusto kong parusahan ang sarili ko. Gusto kong mapagod at mamatay na lang.
Maya-maya pa ay may pumara kotseng bumabagal sa tabi ko. Di ko tiningnan kung sino iyon.
"Gelo, sakay na." biglang sabi nung nasa kotse. Familiar ang boses.
Paglingon ko ay si Gilbert ito. Di ko siya pinansin. Nagpatuloy ako sa paglakad.
"Wag mong sabihing maglalakad ka lang." sabi pa nito.
Wala akong pakialam sa kanya. Galit din ako sa kanya.
"Please naman. Di naman kita papayagang maglakad papuntang Iloilo." sabi pa uli nito.
Di pa rin ako tumigil.
Agad na tumigil ang kotse. Lumabas na siya at nilapitan ako.
"Pwede ba? Wag ka ngang ganyan. Wag mong patayin ang sarili mo dito. Baka mapaano ka pa." alalang-alala ang boses nito. Kinukuha ang bag ko. Pero dahil sa pagod ko ay agad niyang nakuha ang bag ko.
Agad niyang nilagay iyon sa likod ng kotse at tinulak na ako papasok ng kotse. Wala na akong lakas para manlaban.
"Anong balak mo? Lalakarin mo pauwi sa Iloilo?" sabi pa nito pagkapasok sa kotse.
"Wala kang pakialam kahit mamatay man ako." galit kong sagot sa kanya
Tumawa pa ito.
"Akala mo lang wala akong pakialam pero I care for you. Kahit na hindi man naging tayo, minahal pa rin kita. Kaya may karapatan akong mag-alala." sabi pa nito saka umakbay sa akin.
Tahimik lang ako habang nagda-drive kami.
Pagdating namin sa Sta. Barbara ay pinababa niya ako para kumain. Dahil di naman ako nakapag-almusal bago ako umalis kanina ay di na ako tumanggi. Nilibre naman niya ako dahil alam niyang wala akong dalang pera.
Pagkatapos naming kumain ay nagpatuloy kami sa biyahe namin.
"Anong balak mo ngayon?" tanong uli nito.
Di ako sumagot.
"San kita ihahatid? Sa bahay niyo? O dun sa kaibigan mo?" pagpapatuloy nito.
Tiningnan ko siya ng masama sa sinabi niya.
"Sa tingin mo ba kahit alin sa bahay na iyon may tatanggap pa sa gaya kong kahihiyan?" asik ko sa kanya.
Tumahimik siya. Medyo tinamaan sa tingin ko.
"Basta ibaba mo na lang ako sa Libertad (plaza sa downtown). Doon muna ako." sabi ko sa kanya.
"Gago ka ba? Anong gagawin mo dun?" galit na tanong nito.
"Basta dun mo na lang ako ibaba." sabi ko sa kanya.
"Di ako papayag. Dun ka na lang muna sa dorm ko pansamantala. Tutal wala namang magagalit kung doon ka e." sabi pa nito.
"Wag na. Baka abala pa ako sa iyo." sabi ko na lang.
"Di. Okay lang iyon. Di kita papayagang maging palaboy. Basta dun ka muna habang nag-iisip-isip ka." sabi pa nito.
Di na ako nagpumilit. Wala na akong alam na pwede kong tutuluyan. Bahala na.
Habang nagdadrive kami ni Gilbert ay nadaanan namin ang isang simbahan. Di ko na sasabihin ang pangalan ng simbahan.
"Gilbert, pwede mo ba akong idaan muna sa simbahan na yan?" tanong ko sa kanya.
Agad naman siyang ngumiti at niliko ang kotse papasok sa compound ng simbahan. Pagkapasok namin ay dumiretso ako sa pinakaunahang upuan. Dahil alanganing oras, wala pang masyadong tao.
Agad akong lumuhod at nagdasal. Humingi ako ng tawad sa magulang ko, kay Jan, at sa magulang nito. Pinatawad ko na rin si Ivan sa ginawa niya. Inisip ko na lang na nangyari ang lahat ng iyon dahil mali ako. Mali ang relasyon namin. Mali ang pumatol ako sa kapwa ko lalaki. Habang nagdarasal ako ay andami kong hiningi ng kapatawaran. Halos sumabog na ang dibdib sa galit at lungkot habang binubuhos ko na lang sa dasal ang mga hinanakit ko.
Hinayaan lang ako ni Gilbert pero paminsan-minsan ay hinahaplos niya ang likod at balikat ko. Alam niya kung gaano kasakit ang nangyari sa akin. Kahit papaano ay parang nailabas ko lahat ng sama ng loob ko.
Pagkatapos kong magdasal ay agad akongumupo. Binigyan ako ni Gilbert ng panyo para punasan ko ang luha ko. Di ko naman tinanggihan iyon. Alam ko lumulobo na ang mata ko sa kakaiyak.
"Angelo?" biglang may tumawag sa akin.
Sabay naming nilingon ni Gilbert ang pinanggalingan ng boses. Nakita namin na may papalapit na pari sa amin. Dahil malabo talaga ang mata ko ay nakilala ko na lang ito nang mga ilang metro na lang ang lapit nito sa amin.
"Ninong... ay Father Alex pala." sabi ko naman sabay mano sa kanya.
"Anon'ng ginagawa mo dito? Tagal na kitang di nakikita a." bati pa nito sa akin saka yumakap.
"Napadaan lang po kami. Di ko nga po alam na dito na pala kayo e." paliwanag ko naman.
"Siyanga po pala. Si Gilbert po pala kaibigan ko. Gilbert, ninong ko pala, si Father Alex." pakilala ko sa kanila.
Nagmano din si Gilbert sa ninong kong pari.
Agad na niyakap uli ako ng ninong ko.
"Musta ka na? Saan na sina Mama at Papa mo?" tanong pa nito.
Natahimik ako at nagkatinginan kami ni Gilbert.
"Hmmm. Parang may naaamoy akong problema ng inaanak ko ah. Pwede mo bang ikuwento sa Ninong mo?" tanong pa nito.
Tumango lang ako.
"Sige, wag tayo dito. Doon tayo sa kumbento. Kumain na ba kayo? Mag-usap tayo habang kumakain. Okay?" sabi pa nito sabay turo ng pinto papunta sa kumbento sa gilid ng simbahan.
Inakbayan ako nito habang papunta kami sa kumbento. Giliw na giliw kasi siya sa akin dati kaya kahit ngayon ay parang sabik itong makita ako.
Pagkapunta namin sa second floor ng kumbento kung nasaan ang hapag-kainan nila ay dinalhan agad kami ng mga katulong ng kumbento ng pagkain.
Habang kumakain naman kami ay walang hiya kong kinuwento sa ninong ko na nagkatampuhan kami nina Mama at Papa pero di ko na sinabi ang tungkol sa pagiging bading at pagkakaroon ko ng boyfriend. Para kasing di na akma pa na sabihin ko.
"So, ano'ng plano mo ngayon? Magpapatuloy ka lang sa paglalayas mo?" tanong naman nito.
"Siguro po. Tutal sa sobrang galit naman ni Papa sa akin ay di nga niya ako magawang tingnan e. Kaya mabuti po muna na palamigin ko muna ang ulo niya." yun na lang ang sinabi ko dahil alam kong yun ang gusto niyang marinig.
"E, saan ka tutuloy niyan?" tanong pa ulit ng Ninong ko.
"Sabi ko po sa kanya dun muna siya sa dorm ko. Tutal nag-iisa lang naman ako dun. May nakukuha naman akong allowance mula kay Papa at sa scholarship ko. Siguro kasya na sa amin muna yun." pagprisinta naman ni Gilbert.
"Naku Iho, baka mahirapan ka pa niyan. Ganyang umaasa ka pa sa magulang mo at sa scholarship mo kamo, mabibigatan ka niyan sa responsibilidad na iyan. Ang mabuti pa Angelo ay sumama ka na lang sa akin. May seminaryo malapit dito sa simbahan. Kaibigan ko ang paring namamalakad doon. Pwede kitang patuluyin muna doon at siguro tumulong-tulong ka lang ng konti habang andun ka." sabi pa ni Ninong.
MAtagal akong nag-isip. Di ko alam kung anong pipiliin ko. Kaso naaawa ako kay Gilbert kung siya ang aako ng responsibilidad sa akin lalo na't nag-aaral pa siya.
"Sige po Ninong. Okay lang po sa akin. Pero pwede po ba pag pasukan na ay aalis na rin po ako at maghahanap na lang po ako ng matutuluyan kasi malapit na rin po ang pasukan e. Mag-eenrol na po ako sa high school e." sabi ko naman dito.
"Naku, oo nga pala ano. Sige. Doon ka muna habang bakasyon at kapag mag-aaral ka na ay saka natin isipin yun. Okay? Basta pag kailangan mo ng konting pera e wag kang mag-atubiling lumapit sa akin ha?" sabay ngumiti pa si Ninong sa akin.
"Sa akin din ha?" dagdag naman ni Gilbert.
Agad naman kaming sumakay sa kotse ni Gilbert at tinuro sa amin ni Ninong ang daanan papunta sa seminaryo. Medyo malawak ang bakuran ng seminaryo at napakatahimik ng lugar. Malapit na rin maggabi kaya rinig na rinig ang huni ng mga ibon.
Naunang bumaba si Ninong at sinabing maghintay muna kami sa kotse. Agad siyang pumasok sa main door ng seminaryo. Makalipas ang sampung minuto mahigit ay bumalik na ito at sinabi sa aking dalhin ko na ang mga gamit ko.
"Ako na." offer pa ni Gilbert. Dahil pagod ako ay pumayag naman ako.
Habang naglalakad kami ay hinawakan ako ni Gilbert sa siko.
"Sigurado ka na ba sa desisyon mo? Kaya naman kitang alagaan habang wala ka pang matutuluyan e." seryosong tanong nito.
"Gilbert, okay na ako. Ayoko naman maging pabigat pa sa iyo. Alam ko namang malaki ang allowance na binibigay sa iyo ng school at ng Papa mo pero gusto ko munang wag magdepende sa kahit kanino. Mabuti na siguro itong andito ako. Para naman makapag-isip-isip din ako tungkol sa mga nangyari sa akin." paliwanag ko naman sa kanya.
Tumahimik lang siya. Di pa rin kuntento sa sinabi ko.
"Sige. Promise ko sa iyo kapag hindi ko na kinaya dito e ikaw ang unang-una kong tatawagan, tutal alam ko naman ang number mo sa dorm niyo e. Binigay mo na iyon kanina di ba?" pagpapaliwanag ko pa sa kanya.
"SIge. Promise mo yan ha?" saka naman ngumiti ito. May kinuha sa bulsa niya at sinuksok sa bulsa ko. Alam kong pera iyon pero di ko na tiningnan.
"Pang-emergency mo. Kung sakaling may kailangan ka pa, sabihin mo lang ha? Andito naman ang kuya mo e." saka ngumiti uli.
"Akala ko ba ayaw mong tawagin kitang kuya?" taka kong sabi sa kanya.
"Dati iyon. Ngayon e feeling ko kapatid na kita na kailangang bantayan." saka pa ginulo ang buhok ko.
Nangiti ako sa sinabi niya. Mas mabuti nang ganun ang turingan namin kesa sa iba pa.
Maya-maya pa ay dumating kami sa third floor ng seminaryo. Pinapunta kami ni Ninong sa isang malaking pinto sa dulo. Gusto daw akong kausapin ng direktor ng seminaryo. Pero ako lang daw dapat mag-isa ang papasok.
Medyo kinabahan ako pero nagpakatatag ako. Sabi ko na lang...
"Ito ang simula ng bagong kabanata ng buhay ko... Kailangan kong harapin ito."
Dahan-dahan akong naglakad papunta sa tinuro niyang pinto sa dulo ng hallway ng seminaryo.
=================================================
Reminder:
!!!Not for reposting!!! Please? This is a personal story. Not fiction so please do not re-post as your own. Thank you.
Don't forget to follow.'
For suggestions or comments, please feel free to message me at 09213450145 or 09266862505. Thank you.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment