Copyright

myfreecopyright.com registered & protected

Thursday, March 17, 2011

My Elementary Series (Part 9, Jan)

Araw na ng pasahan ng ginawa naming projects. Di na lang namin pinansin yung kasama namin sa group na hindi sumipot nung Sabado. Bahala siya sa buhay niya kung di siya pumunta. Di porke pamangkin siya ng adviser namin e ok lang na umabuso siya.

Kunsabagay, matagal na rin akong inis sa taong yun. Porke kasi alam niyang pamangkin siya ng adviser namin e lahat kami e palagi niyang kinukulit at niloloko. Sa lahat ng iyon siguro ako ang may pinakamarami. Dahil siguro sa ako ang pinakabata sa aming mga kaklase.

Pagkatapos ng unang subject namin ay nilapitan niya ako.

"Uy, sensya na nung Sabado ha? Di ako nakapunta. Di kasi ako binigyan ng baon ng Mama ko e. Musta naman ang project natin? Maganda ba?" mabait siya ngayon. Siyempre may kasalanan.

"Maganda naman ang project namin." inemphasize ko yung huling salita para alam niya na di siya kasama.

"Huh? Bakit naman ninyo lang? Di ba grupo tayo?" tanong niya na lang.

"Well, since wala ka nung Sabado nung ginawa namin ito, e di hindi ka rin kasama dito sa project na to." sabay talikod para lumabas ng room para pumunta sa second subject namin.

Mabilis ang lakad ko kaya di na siya humabol.

Pagkapasok sa second subject ko ay pumasok na rin siya. Nagulat ako nang binulungan niya ang katabi ko na magpalit sila ng upuan. Dahil sa babae ang katabi ko ay madali niya itong nabola.

Ganun naman siya e. Alam niya kasing marami-rami ding mga babae sa school namin na patay na patay sa kanya dahil sa may tsura naman siya kahit papano pero maporma nga lang kaya ginagamit niya ito para mapasunod.

Magsasalita sana siya sa akin kaso nagsimula na ang klase namin kaya di na siya nakapagpatuloy sa pagsalita.

Mabuti nga. Natawa ako sa isip ko. Natahimik din ang loko. Di niya ako makukumbinse kung iyon ang gusto niya.

Maya maya pa ay may nilagay siyang papel sa harap ko. Nakatupi ito. Kaya binuklat ko ito.

"Sorry na please. Sana maintindihan mo na hindi talaga ako pinayagang umalis nung Sabado." nakasulat sa papel.

Nangiti ako. May pagka-isip bata pala to.

Sinulatan ko rin ang papel para sumagot sa kanya.

"Patunayan mo munang di ka pinayagan." sagot ko.

Saka ko binigay sa kanya.

Di na siya nakasagot at buong umaga niya akong di kinausap ni nilapitan man lang.

Natuwa naman ako na napatahimik ko siya.

Pagkatapos ng 4th subject namin nung araw na yun ay excited na ako umuwi para mananghalian sa bahay.

Palabas na ako ng gate nang may humawak sa braso ko.

Nilingon ko kung sino ito.

Si Jan.

Hay. Ano na naman kailangan nito, sa isip ko.

"Gel, uwi ka na ba?" tanong niya na di pa rin binibitawan ang braso ko.

"Oo, uuwi ako. Sa bahay naman ako kumakain e." seryoso kong sagot sa kanya.

"Pwede bang sa bahay ka na kumain?" nakangiti na niyang tanong.

Natigil ako sa tanong niya. Nagdalawang-isip kasi di ko alam kung bakit niya gustong dun ako kumain sa bahay nila.

"Wag na. Mas gusto ko kumain sa bahay. Hinihintay na ako ni Mama sa bahay e."

"Wag ka mag-alala, pinagpaalam na kita kanina." Nakangisi pa niyang sagot.

"Huh? Ano'ng napagpaalam?" Taka kong tanong.

Natawa siya sa tanong ko.

"Ansimple nung sinabi ko e di mo pa naintindihan. Actually di ako ang nagpaalam sa Mama mo kundi si Tita." Tinutukoy niya ang Tita niyang adviser namin.

"Ano'ng paalam mo at bakit ako dun kakain sa inyo?"

"Sinabi ko na gusto ko makilala ang bago kong kaibigan kaya gusto kitang isama sa bahay para kumain."

Kumunot lang ang noo ko.

"Wag ka mag-alala andun si Mama ko. May kasama tayo kaya wag kang mag-alala di kita kakainin." sabay tawa ng malakas.

"Sige." Pumayag na lang ako tutal baka pag tumanggi pa ako ay tatagal pa ito at di na ako makakain.

Sumakay na kami papunta sa bahay nila.

Pagbaba namin ay tinuro niya agad ang bahay nila. Namangha ako sa laki ng bahay nila. Halatang maykaya ang loko-lokong ito.

Nagdoorbell siya at agad na may lumabas na katulong. Aba, naka-uniporme pa ang katulong nito. Sosyal. Kami nga sa bahay e ako ang katulong. Dahil lahat ng gawain ay halos nagagawa ko na sa bahay.

Pagkapasok namin ay nakita namin sa salas nila marami ang mamahaling gamit. Nainggit ako sa mga nakita ko.

"Jan, nasa kusina ang Mommy mo." sabi ng katulong sabay kuha ng mga gamit namin. Atubili pa akong ibigay ang gamit ko dahil di ako sanay na may katulong.

Pumunta kami sa kusina at nakikita kong nagluluto ang mommy niya.

"Mommy, dito na po kami." bungad niya sabay halik sa pisngi ng mommy niya.

Bumaling sa banda ko ang mommy niya. Tiningnan ako sabay ngumiti.

Lumapit pa ito at inilahad ang kamay.

"Ikaw ba ang bagong kaibigan nitong anak ko? Buti naman at nagkaroon ng matinong kaibigan ang anak ko. Di yung puro computer ang alam. Sana naman maambunan mo ng konting sipag at talino itong anak ko para naman tumino." mahabang pagbati ng mommy ni Jan.

Di ako nakasagot sa sinabi niya. Di ko alam kung paano niya nasabi lahat iyon.

"Ay! Siguro nagulat ka na kilala na kita ano? Sensya ka na ha kung di ko nasabi. Nung tumawag kasi itong si Jan kanina at sinabi niyang may kasama siyang manananghalian dito ay tinawagan ko agad ang kapatid ng asawa ko. Yung adviser niyo. Tinanong ko nga kung sino ka at kasi halos lahat ng nagiging barkada nitong si Jan ay mga basag-ulo o mga mahilig a bulakbol at computer. Sinabi naman ni Eleonor (adviser namin) na okay ka daw at isa ka daw sa pinakamagaling niyang estudyante. Kaya excited ako na makita ka kasi baka ikaw na yung makakapagatino sa anak ko." Mahaba niyang tugon. Natuwa ako sa mommy ni Jan dahil halatang mabait at madaling makapalagayan ng loob.

Si Jan naman ay halatang nahihiya na sa sinasabi ng mommy niya.

"Mom, gutom na kami e." Pagputol niya sa usapan namin ng mommy niya. Alam kong ayaw na niya itong magpatuloy dahil mas lalo na siyang napapahiya.

"O siya, sige. Gutom na pala ang Baby ko. Sige magpahinga muna kayo sa kuwarto mo at papatawag ko na lang kayo pag tapos na ako. Malapit na rin ako." sabay lingon sa akin. "Feel at home Angelo."

Saka ako hinila ni Jan papunta sa 2nd floor kung saan andun ang kuwarto niya.

Pagkapasok namin ay agad akong napanganga sa laki ng kuwarto niya at sa dami ng kung anu-anong kagamitan na ang iba ay hindi ko pa ngakikita sa buong buhay ko. Meron siyang sariling computer sa kuwarto niya at merong mga laruang sa tingin ko ay libo ang mga halaga.

Napansin niya na natulala ako. Kinalabit niya ako.

"Dami kong laruan no? Lahat iyan regalo lang ng Mommy at Daddy ko." proud niyang tugon.

"So spoiled ka pala." Nagulat ako sa naisagot ko.

Sumimangot siya sa sinabi ko. Saka ko lang na-realize na mali pala ang sinabi ko.

Tumalikod siya at pumasok sa banyo.

Saka ko lang napag-isip-isip na nadala ko pala ang inis ko sa kanya kahit andito na kami sa bahay nila at pinakilala niya ako sa Mommy niya na mabait.

Maya-maya pa ay lumabas siya ng banyo na nakapambahay na.

"O, bakit ka nagpalit. Papasok pa tayo ah." Naitanong ko.

"Oo nga, Gusto ko lang maging presko ang pakiramdam ko. Mainit ang panahon e. Tsaka ibang uniform ang susuutin ko mamaya. Marumi na iyong kanina e." Mahabang niyang paliwanag habang binubuksan ang computer niya.

Para presko daw pakiramdam niya. Kaya pala napaka-presko ng taong ito. Sabay pinagalitan ko ang sarili ko dahil lumalabas na naman ang inis ko sa kanya. Naunawaan ko na kung bakit pala palagi siyang malinis tingnan kahit hapon na. Iyon pala ay nagpapalit pala talaga siya ng uniform.

Lumapit ako sa computer niya. Na-curious ako dahil wala pa ako nun.

Tahimik pa rin siya kahit alam kong alam niya na nasa likod niya ako.

Pinagpag niya ang konting space sa tabi niya. Gusto niya akong umupo.

Umupo naman ako.

"Jan, Yung sinabi ko kanina. Yung spoiled. Sana wag mong masamain. Di ko sinasabi na spoiled ka. Ang gusto ko sabihin ay spoiled na palagi ka palang binibigyan ng magulang mo." paliwanag ko.

Doon niya na lang ako nilingon. Nakangiti na ito.

"Buti naman." Maikli lang niyang sagot. "Di naman ako masama kung makikilala mo lang ako e."

Sandali siyang tumahimik at lumingon uli sa akin.

"Gusto mo rin ba akong makilala?" sabay ngiti ng sobrang tamis.

No comments:

Post a Comment