Wednesday, March 9, 2011
My Elementary Series (Part 3, Rexie)
Sa pagdampi ng hininga niya sa tenga ko, kakaibang sensasyon ang naramdaman ko. Tumayo ang balahibo ko lalo na sa bandang batok. Bigla ding bumilis ang tibok ng puso ko. Pigil na pigil din ang paghinga ko.
"Teka." Tinulak ko papalayo ang mukha niya.
"O bakit?"
"E kasi, sumama pakiramdam ko e. Ambilis ng tibok ng puso ko. Hinihika yata ako." pautal-utal kong nasabi.
Mahinang tawa ang ginawa niya. Sabay na hinawakan ang gitna ng dibdib ko. Alam kong nararamdaman na niya nung time na yun ang bilis ng kabog ng dibdib ko.
"A, eto ba?" Sabay diniinan pa ng palad niya ang gitna ng dibdib ko. "Di naman hika yan e. Pag-ibig na yan."
Impit na tawa uli ang namutawi sa labi nito.
"Pag-ibig? Gago. Lalaki tayo pareho. Paano magiging pag-ibig yan." Sabay tabig sa kamay niya mula sa dibdib ko.
Hinawakan niya uli ang mukha ko.
"Pag sinabi ko bang mahal din kita, aaminin mo bang mahal mo din ako?" Naging seryoso ang tono ng pagsasalita niya.
Mas lalong kumabog ang dibdib ko. Gumulo ang isip ko. Ano ba talaga to? Tama ba siya? Mahal ko nga ba siya? Pero paano? Mahal? E kanina ko lang naman naramdaman yun. Pero di ba ganun talaga ang symptoms ng pag-ibig? Parang pagpapawisan ka, mabilis na kabog ng dibdib, parang natutuyo ang lalamunan , umiinit ang pakiramdam, at parang walang ibang tao kundi kayo. Shet! Pag-ibig na nga yata to.
Pero bakit sa lalaki.
Nasa malalim akong pag-iisip nang nagulat ako na hinalikan niya ako sa pisngi.
Sa pagkabigla ko ay nahawakan ko ang pisngi ko. Gulat na gulat ako pero sa loob-loob ko parang may kung anong kasiyahan.
Shet ulit! Bading na yata ako.
"Ano'ng iniisip mo ngayon?" naging malambing na ang boses niya. Mas lalo niyang inilapit ang katawan niya sa akin. Mas lalo kong nararamdaman ang init ng hininga at katawan niya.
"Marami. Maraming tumatakbo sa isip ko. Maraming gumugulo sa isip ko." Nasabi ko rin ang nasa isip ko.
"Ako ba? Ako ba ang nakakapagpagulo sa isip mo?"
"Ngayon... Oo, kasalanan mo to kaya anggulo ng isip ko ngayon." Tinampal ko pa ng mahina ang mukha niya.
"Hay, salamat." Nakangisi na naman.
"Anong salamat? Tuwang-tuwa ka pa diyan. Ako nga e halos sumabog na ang utak sa kakaisip dito."
Niyakap niya ako. Bagay na labis kong ikinagulat pero di ako tumanggi.
"E kasi po, kahit papano e naging laman din ako ng isip mo. Matagal na akong nagpapansin sa iyo pero ni minsan ni hindi mo man lang ako kinausap ng mahaba. 4 years na tayong classmate pero last year mo lang nasabi ng tama pangalan mo. Masyado mo akong binabalewala." nawala na ang ngisi niya. Hindi ko alam kung umiiyak na ba siya.
"Hoy, bakit andrama mo ngayon." Hinawakan ko ang pisngi niya. Gusto kong malaman kung umiiyak nga ba siya.
Di nga ako nagkamali. Basa na ang pisngi niya. Ibig sabihin umiiyak na siya.
"Uy, bakit ka umiiyak? Inano ba kita?" Kunwari di ko alam.
"Nagtanong ka pa. Nilalabas ko lang ang nasa loob ko. Pero umiiyak ako dahil masaya ako at sa wakas kahit nagugulo ko utak mo at least nasa utak mo na ako."
"Hahaha, ang corny mo naman." Natawa ako sa sinabi niya.
Binitiwan niya ang kamay ko.
"Seryoso ako. Seryosohin mo naman ako. Please lang."
"O sige na, seryoso na ako. Ano ba gusto mo?" Gusto kong sabihin niya ang gusto kong marinig.
"Eto ang gusto ko." Hinawakan niya ang mukha ko at dahan-dahang nilapit ang mukha niya. Alam kong hahalikan niya ako pero nagpaubaya na lang ako.
Kung sakali siya ang magiging unang halik ko. Pero wala na akong pakialam kung lalaki man ang unang hahalik sa akin. Basta gusto kong maramdaman ang unang halik na iyon.
Dahan-dahang dumampi ang labi niya sa labi ko. Mabagal. Matagal... "Masarap." Yun ang unang nasabi ng utak ko.
Nilayo ko ang mukha ko sa kanya.
"Alam mo bang ikaw ang unang humalik sa akin?" Bigla kong nasabi sa kanya.
"E di suwerte ko. Pero swerte ka rin dahil ikaw din ang first kiss ko." Sabay lapit ulit ng labi niya sa labi ko. Dampi-dampi lang naman.
Bigla niyang binawi ang labi niya.
"Bakit?" gulat kong tanong. "Mali ba ang ginawa ko?"
"Hindi." Nakangiti na naman ito. "Gusto ko lang siguraduhin."
"Ang alin?" Naghihintay pa rin ako sa gusto niyang sabihin.
"Gusto ko sanang siguraduhin kung boyfriend na ba kita?"
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment