Natapos ko na rin ang gawa ko. Maaga pa kaming natapos nung time na yun. Silang tatlo na ang nagbalot ng gawa ko.
Aba ay dapat lang. Nahirapan kaya ako sa laki nun.
Pagkatapos nun ay ako na ang nagprisinta na magdadala nito dahil mas malapit ang bahay ko sa school. Pero ang totoo gusto ko itong ipakita sa mga magulang ko. Magyabang ba.
"Tulungan na kita. Hatid muna kita sa inyo." offer naman ni Rexie.
Pumayag na lang ako dahil di ko kayang dalhin ang ibang gamit namin.
Nagpaalam na ang dalawang kaklase namin at umalis na rin kami.
Wala kaming kibuan hanggang sa dumating kami sa bahay. Sumama siya hanggang sa kuwarto ko at nilagay ang mga gamit namin sa mesa ko.
Akala ko ay lalabas na siya pero pinagala pa niya ang mata niya. Napatuon ang tingin niya sa mga nakasabit na uniform ko sa boy scout.
Lumapit siya dun at kinuha ang kalabaw na pantali namin sa scarf namin.
"Pwede bang akin na lang to?" paalam niya.
Nagulat ako dahil di ko maintindihan kung bakit niya hinihingi ito. Dahil ba sa wala siyang ganun? O ano pa mang dahilan.
"Sige." Iyon na lang ang nasabi ko.
Kinuha na rin niya ang bag niya at pumunta sa pinto.
"Rexie." pahabol ko. "Bakit mo pala hinihingi yan? Di ba meron ka niyan?" Naalala ko kasi na may ganun naman siya.
Nangiti muna siya. Tumingin uli sa mga uniform ko sa boy scout.
"Gusto ko lang kasi may maalala dun sa araw na naging tayo ng isang gabi." malambing niyang tugon.
Sabay nun ay pagbukas niya ng pinto. Marahan niyang isinara ito.
Mga ilang minuto din akong nakatayo dun sa tabi ng kama kung saan niya ako naiwan.
Kusang bumagsak ang katawan ko sa kama.
"Gusto ko lang kasi may maalala dun sa araw na naging tayo ng isang gabi." umulit sa isip ko ang huling sinabi niya.
"Naging tayo ng isang gabi." inulit ko na naman.
Saka ko lang pinakawalan ang malakas na buhos ng aking luha.
Tama nga.
Iyon ang ibig sabihin noon.
Isang gabi lang. Isang gabing naging kami pero pagkatapos noon ay bigla na lang niya akong iniwan.
Tama nga.
Tapos na talaga ang namamagitan sa amin. Wala nang kasunod iyon.
Sabi nga niya isang gabi lang.
Tama nga.
Hanggang doon na lang iyon.
Mahirap maging kami.
Bata pa kami. Pareho kaming naguguluhan. kung ano man yung naramdaman ko noong gabing iyon ay dapat nang matapos at kalimutan.
Obviously ay di ko pa nakakalimutan dahil sinusulat ko ngayon.
Pero iyon na dapat lang iyon.
Isang masayang alaala na mas masakit pang alalahanin.
Isinubsob ko na lang ang mukha ko sa unan at hinayaang mabasa ng mga luha ko.
Wala na akong magagawa.
Tapos na sa amin ang lahat.
Di ko namalayan na nakatulog na pala ako.
No comments:
Post a Comment