Copyright

myfreecopyright.com registered & protected

Wednesday, March 23, 2011

My Elementary Series (Part 12, Jan)

Pagkaayos ko ng sarili ko e pumunta na ako sa classroom namin. Nalate ako ng 10 minutes sa klase kaya pagkapasok ko ng classroom ay nakatingin silang lahat sa akin. Pati teacher namin ay nakatingin sa amin at halatang inis.

Nilapitan ko ang teacher ko at sinabi ko na nasiraan ako ng tiyan. Tiningnan niya mukha ko at ngumiti na lang.

"Kaya naman pala ganyan ang mukha mo." Iyon na lang ang nasabi niya.

Buti na lang nakalusot ako. Kunsabagay, kung sino man ang makakita sa akin ngayon ay sigurado ganun din ang sasabihin dahil alam ko namamaga ang mata ko at mukha na akong haggard dahil sa kakaiyak kanina.

Sa classroom namin ay free-sitting, ibig sabihin kahit saan pwede ka umupo. Hinanap ko ang bakanteng upuan at ang natitirang mga upuan na lang ay dalawa. Yung isa ay malapit sa bintana at ang isa ay (alam kong nahulaan niyo rin) sa tabi ni Jan.

Pagkakita ko sa upuan sa tabi ni Jan ay nakita kong nakangiti ito sakin. Hinahawakan niya ang katabing upuan. Sumesenyas na naman siya na dun ako sa kanyang tabi umupo.

Sa halip ay dun ako sa isa pang bakanteng upuan pumuwesto. Kahit na ayoko ng malapit sa bintana dahil nadidistract ako, iyon pa rin ang inupuan ko.

Pagkaupo ko ay tiningnan ko ulit si Jan at ansama ng tingin niya sa akin. Sumimangot ito at iniba na ang tingin. Tumingin na ito ng diretso sa harap ng klase. Di ko na rin siya pinansin.

Buong hapon na wala ako sa sarili. Ilang beses din akong tinawag ng teacher ko dahil sa ilang beses na may tinatanong siya e walang nakakasagot kaya expected niya dahil isa ako sa pinakamagaling sa klase e makakasagot ako kaso wala ako sa tamang huwisyo kaya wala din akong naisagot.

Pati titser ko tuloy napasimangot din sa akin. Hay buhay, lahat na lang ba sisimangot?

Parang hinihila ang oras. Gusto ko nang umuwi. Gusto ko nang matapos ang araw na'to.

Nang mag-ring ang bell para sa uwian namin, mabilis akong nagligpit ng mga gamit ko.

Bago pa man ako makalabas ay tinawag ako ng teacher namin.

"Angelo, paiwan ka muna." utos sakin bago ako makalabas ng kwarto.

Saka ko lang siya nalingon at bumalik sa pagkakaupo sa harap niya. Ito si Mrs. Lacson. HEKASI teacher namin. Isa sa pinakamabait naming teacher.

Nagulat ako nang may nagsalita sa likod ko.

"Bakit kaya tayo pinaiwan?"

Sa boses pa lang kahit di ko nilingon ay alam kong si Jan iyon. Nagkibit-balikat na lang ako.

Maya-maya pa ay hinarap na kami ni Mrs. Lacson.

"Angelo, sa pagkakaintindi ko ikaw ang leader ng group niyo di ba? Yung sa project?" tanong niya.

"Opo." Iyon lang ang naisagot ko.

"At ikaw Jan ay kasama sa grupo nila di ba?" sabay tingin kay Jan na nasa likod ko.

"Yes, Maám." malakas nitong sagot. "... Kagrupo po ako ni Angelo." sabay hawak sa kaliwang balikat ko.

"Okay. Isa lang naman ang tanong ko e. Bakit wala ang pangalan mo sa project niyo?" nakataas ang kaliwang kilay ni Mrs. Lacson.

Lagot ako. Nakalimutan ko na hindi ko nga pala nailagay ang pangalan ni Jan sa project dahil nga sa hindi nga siya pumunta nung Sabado. Iyon pa naman ang nais kong gawin pagkabalik sa school kanina kasi napatunayan ko namang di nga siya pinayagan nung Mommy niya nung Sabado.

"Ay, ganun po ba? Sorry po, ma'am. Nakalimutan ko talagang ilagay. Nasanay kasi ako palagi na yung apat lang kami ang nililista ko kasi ever since last year, yung grupo po talaga namin nina Rexie, Jonadab at Renzie ang magkakasama kasi huli ang apelyido namin. Ngayon lang po kasi namin nakasama itong si Jan kaya nakalimutan ko po talaga. Sorry po." mahaba kong paliwanag.

Parang naubusan din ako ng hangin sa haba ng paliwanag ko.

Matagal akong tiningnan ni Mrs. Lacson sa mata. Pakiramdam ko e gusto niyang malaman ang totoong dahilan. Natatakot ako na baka alam niya ang totoong dahilan kaya wala ang pangalan ni Jan sa project namin.

"A, ganun ba? Akala ko kasi may ibang dahilan e. Sige, pakilagay na lang ang pangalan niya." Sabay binigay ang project namin.

Kinuha ko kaagad ito at sinulatan ng pangalan ni Jan.

"Wala pong ibang dahilan. Iyon po talaga yun." Ngumiti na lang ako para kunwari e di ako ninenerbiyos.

"Wala, kala ko kasi naiinis ka dito dahil maloko ito kaya di mo nilagay pangalan niya e." sabay ngiti din nito.

Ito ang gusto ko kay Mrs. Lacson, malapit sa estudyante. Masyado nga lang siyang malapit kaya nakikita niya ang galaw namin kahit wala sa klase.

"Ma'am naman. Maloko po talaga ako. Pero kay Angelo e di pwede. Friends kami nito e. Kaya di pwedeng lokohin." Sabay hawak sa balikat ko uli at may kasama pang pisil.

Nilingon ko siya. Nangiti ako sa sinabi at ginawa niya. Totoong ngiti. Kaya matamis din na ngiti ang sinukli niya.

"O siya. Tutal iyon lang naman ang dahilan. Kala ko may away kayo." saka sumenyas si Mrs. Lacson na pinapaalis na kami.

"Goodbye po, Ma'am." paalam ko sabay tayo.

"Goodbye din po." rinig ko ring paalam ni Jan.

"Aba, nag-goodbye ka na may po pa." biglang rinig kong sabi ni Mrs. Lacson. Kaya napalingon ako. Nakita kong nakangiti ito kay Jan.

Naalala ko di nga pala nagpapaalam palagi si Jan at bihira talaga itong mag-'po'. Kaya siguro nagulat si Mrs. Lacson dito.

"Masanay na po kayo, Ma'am." paliwanag ni Jan. Sabay ngiti pa at kindat sakin. "... natututo na kasi ako kay Angelo e. Masyadong maimpluwensiya."

Sabay niya akong inakbayan at hinila na palabas ng kuwarto.

Naglalakad kami sa hallway ng school nang nakaakbay pa rin. Ginalaw ko ang balikat ko. Kunwari may kukunin ako sa bag. Kaya tinanggal niya ang braso niya.

Kunwari e may hinanap ako sa bag saka ko lang napansin na may pulang plastic na nasa bag ko. Ngayon ko lang napansin iyon. Kaya nilabas ko iyon.

pagkabukas ko nito ay nakita kong dalawang Tupperware ito na may lamang pagkain. Isa-isa ko itong binuksan. Ang isa ay may laman na carbonara. Ang isa naman ay fried chicken at lumpiang shanghai.

Kaya pala bumigat ang bag ko. Tiningala ko si Jan na nakatayo sa harap ko samantalang ako ay nakaluhod habang tinitingnan ang laman ng bag.

"Thank you nga pala dito ha." Pagpapasalamat ko sa kanya sa food.

"Huh? Ano'ng thank you? Di naman ako naglagay niyan ah." painosente pa niyang tugon.

"Hmm? Ganun ba? Kaya pala pagkaalis natin sa bahay niyo e bumigat ang bag ko. Sensya ka na ha ngayon ko lang napansin." sabay tayo.

"Huli mo na pala. Sige. You're welcome na rin." Sabay malokong ngumiti.

"Pero teka lang. Wala namang lutong carbonara, fried chicken at lumpia ang mommy mo kanina a." naalala kong liempo, crab and corn, green salad, at fried fish (Tuna ba o Imelda, di ko na maalala yung isda e.) ang nakahain nung kumain kami e.

"A iyon ba? Pinasadya ko talaga iyan na ipaluto kay Ate Sionny kanina. Kasi napagtanong ko rin pala sa Mama mo nung pinagpaalam ka ni Tita (adviser namin) kung ano ang mga favourite mo. Since alam kong nakapagluto na si Mommy bago tayo umuwi e kay Ate Sionny ko na lang pinaluto iyan habang nagpapahinga tayo kanina sa room ko."

"Ano ka ba? Di mo naman kailangang gawin yun e. Bumabawi ka siguro para maisulat ko pangalan mo sa project no?"

"Hindi ah. Peace offering ko yan at first gift na rin bilang kaibigan." nakayuko siya habang sinasabi ito. Ayaw akong tingnan sa mata.

"Sige, thank you talaga. Favourite ko nga ang mga to. Gusto mo ba akong samahang kainin to. Masyadong marami ito para sa akin e. Di ko rin pwedeng iuwi to kasi wala naman akong kasama sa bahay mamaya kasi umalis sina Mama at Papa. Kaya mag-isa lang ako mamaya sa bahay."

Naglakad kami at pumunta sa ilalim ng malaking puno sa lawn ng school. Pinili namin ang madamong lupa para upuan. Saka ko binuksan ang dalawang Tupperware ng pagkain. Si Jan ay nakaupo naman sa harap ko.

Masaya kaming nagkuwentuhan nang kung anu-ano. Mas lalo ko siyang nakilala. Medyo malayo nga ang paraan ng pagpapalaki sa amin.

Sa bahay e kapag may mali ka e palo ka kaagad. Iba't ibang palo na ang natanggap ko lalo na kay Mama. Si Papa ang di namamalo pero si Mama ay grabe. Pag may ginagawa akong kasalanan ay bibilang yun hanggang tatlo. Kapag di ako tumigil ay papaluin ako.

Naaalala ko pa nung nag-away kami ng kuya ko. Kahit nasa tama ako e ako ang napalo dahil ako daw ang mas nakababata kaya ako ang dapat na gumalang. Pinaluhod ako sa munggo, pinadipa nang may nakapatong na mga tatlong mabibigat na libro sa bawat kamay habang nakaharap sa altar. Humingi daw ako ng tawad sa Diyos sa ginawa ko. Apat na oras akong ganun. Kahit iniwan na ako ng Mama ko. alam ko kasi na kapag di ko iyon sinunod ay mas malala ang aabutin ko. Buti na lang at inakyat ako ng Lola ko at pinatigil. Sabi niya siya na daw bahala sa Mama ko pag-uwi nito. Di naman siya pinagalitan ng mama ko dahil dito.

Sa pagpalo ng Mama ko, naramdaman ko iba't ibang uri ng sakit ng palo. May palo ng ruler, hanger, sinturon (maswerte ka kapag di yung parteng may buckle ang tatama sayo), patpat, walis, lubid, dustpan, at iba pa. Masyado daw kasi akong makulit. Dahil daw matalino ako kaya dapat daw e di ako pwedeng maglaro. Baka daw maalog yung utak ko. Kaya kahit na mukha na akong abnormal dahil sa kababasa e wala akong magagawa.

Si Jan ay baligtad, kapag ayaw niya ng pinapagawa sa kaniya e magkukulong siya sa kuwarto niya. Paglabas niya e may regalong nakalapag sa harap ng pinto niya. Parang sorry gift daw sa kaniya ng parents niya.

May halong inggit ako sa kaniya dahil magkaibang-magkaiba ang pamumuhay namin. Siya palaging layas, ako palaging nasa bahay. Siya palaging laro, ako puro aral. Siya halos araw-araw may bagong gamit, ako kailangan ko pang magkaroon ng magandang gawin para mabilhan ng bagong gamit ot damit. Dapat honor roll, dapat may ribbon o medal sa recognition, dapat manalo sa contest. Saka lang ako mabibilhan ng bagong gamit o damit.

Napansin niyang lumungkot ang mata ko sa mga kuwento niya.

"Angelo, okay ka lang ba?" malambing niyang tanong.

Ngumiti lang ako sa kanya at sinabing, "hindi"

Tumayo siya at lumipat sa tabi ko. Inakbayan ako at niyugyog ng konti.

"Ano ka ba? wag ka nang malungkot. Di ka ba masaya na kasama mo bagong kaibigan mo? Kulang pa ba ang carbonara, friend chicken at lumpia para mapasaya kita? Sabihin mo bibili ako." pilit niya akong inaaliw.

Humilig na lang ako sa balikat niya.

"Sensiya ka na ha? Masaya ako na kasama ka ngayon. Ngayon ko lang kasi napatunayan na masyado pala akong kawawa. Aaminin ko naiinggit ako sa mga kinukuwento mo." paliwanag ko sa kaniya.

Niyugyog niya ulit ako habang nakaakbay. Kahit wala siyang sinasabi ay gumaan ang pakiramdam ko.

"Di ba wala ka kamong kasama sa inyo ngayon?" bigla niyang naitanong.

"Oo, bakit?" Sabay angat ng ulo ko mula sa balikat niya. Humarap ako sa kaniya. Ang mukha niya ay sobrang lapit sa mukha ko.

"E di dun ka na lang matulog sa bahay." parang batanag tuwang-tuwa ang mukha niya.

"Huh? Bakit?" iyon lang ang naitanong ko.

"Tutal wala kang kasama sa bahay niyo ay dun ka na matulog sa amin. Tutal, okay lang iyon kay Mommy. Tiyak ako tuwang-tuwa iyon mamaya. Mas gusto ka nga niyang anak kesa sakin e." Sabay tawa.

"Tsaka ayaw mo nun, magagamit mo ang computer ko. Matuturuan kitang maglaro." patuloy pa niya.

"A. Yun ang hindi pwede. Kapag andun ako. Ikaw ang tuturuan kong gumawa ng assignment at mag-aral. Mag-4th grading exam na kaya. Next week na iyon. Sige, tara sa bahay niyo at nang makapagsimula tayong mag-aral ng maaga." Sabay tayo ako. Sinara ko na yung mga Tupperware. "Dun na lang natin to ubusin sa bahay niyo."

"Di ko alam kung matutuwa ba ako na kasama ka sa bahay o malulungkot dahil nagkaroon ako ng dalawang Mommy na pagbabasahin ako." tumamlay siya.

"O e di wag na. Uwi na lang ako." Babala ko kunwari sa kaniya.

Tumakbo siya bigla at inakbayan na naman ako.

"Sige na. Sige na. Suko na ako. Mag-aaral na ako. Sumama ka lang." sabay akay sa akin papuntang sakayan ng jeep papunta sa kanila.

Ngumiti na lang ako sa pagkapanalo ko.





Reminder:
!!!Not for reposting!!! Please? This is a personal story. Not fiction so please do not re-post as your own. Thank you.

No comments:

Post a Comment