Copyright

myfreecopyright.com registered & protected

Monday, March 21, 2011

My Elementary Series (Part 11, Jan)

Matagal din kaming nasa ganung posisyon nung biglang kumatok ang katulong.

"Jan." tawag ng katulong.

"Ate Sionny, bakit?" sagot ni Jan sa katulong pero nakapikit pa rin.

Binuksan ng katulong ang pinto.

"Jan, baba na daw kayo sabi ng Mommy mo."

"Sige, ate baba na kami. Salamat." Sabay bangon ni Jan.

Bago lumabas ang katulong ay lumapit ito sa mesa ni Jan. Kinuha ang remote saka tinutok sa aircon. Pinindot niya ang remote at lumabas agad dun ang malamig na hangin.

"O, bakit niyo pinatay itong aircon? Kaya pala ang init dito sa kwarto mo e." baling sa kaniya ni Ate Sionny.

Tiningnan ko rin ng masama si Jan. Nakangisi lang ito.

Lumabas na ang katulong nila.

Kinuha ko ang unan at binato kay Jan.

"Gago ka rin ano? Sira pala ang aircon ha. Pinagpawisan ako. Pinaghubad mo pa ako ng damit. Pinatay mo lang pala ang aircon." inis at tampo ang tono ng boses ko.

"Hahahaha. Naniwala ka naman." sabay tawa ng malakas pa habang nagbibihis.

Kinuha ko na rin ang damit ko at sinuot. Sabay tayo. Dumiretso ako sa pinto at lalabas na sana nang hinawakan niya ako sa braso.

"Uy, sorry na please? Joke lang yun. Masyado ka namang pikon e." Naglalambing ang boses at mukha nito. Nagpapa-cute para mapatawad.

Ako naman si tanga. Napalambot agad ang puso.

"Sige. Fine. Okay na." Sabay pilit na ngumiti.

Bigla niyang binitawan ang braso ko.

"Ampangit naman ng ngiti mo. Plastik." parang siya naman ang nagtampo.

Di ko na lang siya pinansin at lumabas na ng kuwarto. Agad din siyang humabol at inakbayan ako.

Di ko na lang pinansin iyon at sabay kaming bumaba.

Nang malapit na kami sa baba ay binulungan ako.

"Gusto ko lang naman makita ang payatot mong katawan e." Saka bumitiw sa pagkakaakbay at tumawa ng malakas hanggang pumasok kami sa dining area.

Nakahanda na ang lahat ng pagkain at alam ko napakadami nun para sa aming tatlo lang ng kanyang ina.

Sinenyasan ako ng Mommy niya na umupo sa upuan sa bandang kanan nito. Samantalang si Jan ay dumiretso sa kaliwa ng Mommy niya. Ngumiti lang sa akin ang mommy niya at umupo na rin. Umupo na rin kami.

Habang kumakain kami ay panay ang kuwento ng Mommy niya tungkol sa mga kalokohang pinaggagawa ni Jan simula pa noong bata pa siya at mas lalo daw lumala nung magkaroon na daw ito ng mga kaibigan na wakang inatupag kundi computer, basketbol, bulakbol at mall. Kaya daw tuwang-tuwa siya dahil ako daw ang iba sa kanila at sana daw mas bigyan ko ng atensyon ang anak niya para daw maimpluwensiyahan.

Si Jan naman ay halos matunaw sa mga sinasabi ng Mommy niya. Sa bawat kuwento ng Mommy niya ay pawang iling na lang at simangot ang nakikita ko sa mukha niya. Halatang hiyang-hiya.

Ako naman ay ngiti lang nang ngiti dahil natatawa ako sa kinukuwento ng Mommy niya. Minsan gusto ko sanang mag-agree at sabihin na mas malala ang kalokohan nito sa school pero pinipigilan ng bibig ko ang magsalita.

"O ano, Gel? Pwede ba kitang pagkatiwalaan dun?" Pagkumpirma ng Mommy niya nung tinanong kung pwede ko ba daw isumbong si Jan pag may ginawa itong kalokohan sa school.

"O, sige po Tita. Pag may ginawa po yung anak niyo, asahan niyo mabilis niyong malalaman." sabay harap kay Jan at ngumisi ako. Gusto ko pa sanang dumila kaso nakakahiya iyon. Kinindatan ko na lang siya.

Umismid na lang siya at binalik ang tingin sa kinakain.

"Siyanga po pala Tita. Nung Sabado po ba sinabi sa inyo ni Jan na may gagawin kaming project sa school? Di po kasi siya dumating e." naalala kong itanong.

"A, oo. Ikaw ba ang kasama niya dun sa sinasabi niyang group? Naku, sensiya ka na ha? Di ko talaga pinayagan iyan dahil di ko na maaasahan iyan e. Ang alam ko kasi pag sinabi niyang project e computer o mall lang yon. Kaya di ko siya pinayagang umalis. Sensiya ka na talaga ha?" Pagpapaumanhin ng Mommy niya sabay hawak sa kamay ko.

"O, sabi na sayo e ayaw mo kasing maniwala." pagmamayabang pa ni Jan.

Nilingon siya ng Mommy niya.

"E ako nga di mo makumbinse e. Sila pa kaya."

Napahiya na naman si Jan sa tinuran ng ina.

Pagkatapos ng pagkain namin ay konting kuwentuhan uli. Pinutol agad ni Jan ito dahil siya pa rin ang topic namin.

"Mommy, alis na kami. Mali-late na kami sa school e." nakapamaywang ito habang nakasimangot.

"O, siya sige. Salamat sa pagdalaw iho ha. Sana makausap ko rin ang Mama mo. Sigurado ako magkakasundo kami nun." sabay tumayo na rin kami.

Binigay ng katulong ang bag namin. Napansin ko na medyo bumigat ito sa pakiramdam ko. Dahil siguro ito sa busog ko kanina at pagod na rin.

Pinahatid na kami ng Mommy niya sa driver nila para mabilis.

Sa kotse ay wala kaming imikan. Pero kahit sa harap ako nakatingin, nahahalata ko na paminsan-minsan ay titingin siya sa akin at babaling sa bintana at bubuntong-hiniga. Alam ko gusto niya akong kausapin pero pinipigilan niya.

Pagdating namin sa school ay nauna akong bumaba. Sumunod siya.

"Jan, salamat pala sa pag-imbita kanina ha. Nabusog ako. Ansarap ng Mommy mo magluto." nakangiti kong sabi sa kanya.

"Buti naman nagustuhan mo ang luto ng Mommy ko. Kung gusto mo araw-araw e dun ka na lang kumain." Saka nag-umpisa na siyang lumakad papasok ng gate ng school.

"Wag na. Nakakahiya naman sa Mommy mo."

"Di a. Kita mo naman botong-boto siya sa iyo. Parang mas gugustuhin pa nga niya na ikaw ang anak niya kesa ako e." Parang nagtatampo ito.

Hinawakan ko siya sa siko at tumigil siya sa paglalakad. Hinarap niya ako.

"Alam mo, mahal ka ng Mommy mo. Ramdam na ramdam ko iyon kaya alam ko na nagki-care siya sa iyo. Kung gusto mong maging magkaibigan tayo, baguhin mo ugali mo. Wag yung pakiramdam mo palagi e walang may gusto sayo. Dahil di totoo yun."

Ngumiti siya sa sinabi ko. Pero parang ngiting maloko.

"Ano'ng sinabi mo? Di totoong walang may gusto sakin?" ulit niya.

Nakuha ko kaagad na iba na ang takbo ng utak nito.

"Na walang nagmamahal o nagpapahalaga sa iyo. Iyon ang gusto kong sabihin." pagkaklaro ko pero huli na rin na napansin ko na parang mas lalong naging mali ang sinabi ko.

Mas maloko na ang ngiti niya ngayon. Lagot ako.

"So ibig sabihin e may mga taong nagmamahal at nagpapahalaga sa akin?" Mas madiin ang pagkakasambit niya ng 'mahal'.

"Oo, ang Mommy mo at siguro Daddy at buong pamilya mo?" paputol-putol kong sagot.

"E maliban sa pamilya kaya meron pa?" Mas inilapit pa niya ang mukha niya sa akin. Tinititigan ako. May gustong hulihin.

Biglang binawi ko ang tingin ko. Alam ko na namumula na ako. Yumuko na lang ako. Saka ko napansin na nakahawak pa rin ako sa siko niya. Binitawan ko iyon at mabilis na naglakad paakyat ng hagdan papunta sa building ng room namin. Pero alam ko di siya humabol kasi di ko naririnig ang mga yabag niya.

Naiiling-iling ako sa mga sinabi ko.

Napakatalino ko daw pero bakit nagiging bobo na ako ngayon. Di ako sanay na magsalita ng hindi iniisip muna pero heto na naman ako.

Imbes na sa classroom ako pumunta e dumiretso ako ng CR ng school. Sinara ko ang cubicle at umupo sa toilet bowl.

Nakatingin sa kisame. Saka ko namamalayan na lumalabo ang mata ko. Umiinit din ito. Di ko na napigilan na muling umagos ang luha sa aking mata.

Di ko rin alam bakit ako umiiyak. Naghahalo ang akong iniisip. Si Rexie, si Jan. Heto na naman ako. Nagpapakatanga. Di ko na naman alam ang ginagawa at sinasabi ko. Nagmamahal na naman ba ako.

Alam ko di tama ito. Di tama ang magmahal sa lalaki. Pero pilit ko ring tinatanggap na nagmamahal ako. Pero pilit ding pinagsasabihan ng utak ko ang isip ko. Tama na. Nasaktan ka na. Tama na yun. Wag mo na subukang sundan pa. Walang mangyayari sa amin.

Dahil sa huling sinabi ng isip ko saka ko hinayaang tumulo na lang nang sunod-sunod ang mga luha ko.

Ganito pala talaga. Napakasakit magmahal sa kapwa ko lalaki. Napakabata ko pa para maintindihan ito. napakabata ko pa para masaktan na ng ganito.

No comments:

Post a Comment