Copyright

myfreecopyright.com registered & protected

Huwebes, Nobyembre 24, 2011

A Scary Weird Experience Yesterday


Nangyari ito kagabi lang... Tagalog na lang para mas okay basahin

=========================================



Alas-otso kagabi nang lumabas ako sa opisina namin. Naisipan namin ng mga kaopisina ko na sumaglit sa Starbucks. E apat kami, kaya napuno na ang aking stickers kaya nakuha ko na ang akong Starbucks Planner (Spruce Design)




Siyempre tuwang-tuwa ako dahil wala pang December e nakuha ko na yung planner so may time pa ako para mangolekta para sa isa pa.

Pagkatapos naming tumambay saglit sa Starbucks ay bumalik ako saglit sa opisina dahil naiwan kong patayin ang PC ko.

Pagbaba ko ng office ay naisip ko na medyo maaga pa kaya tinext ko yung service namin na taxi para sana magpasundo.

"Nakauwi na ako" reply sakin ni Kuya Gerald.

"Ah, ganun po ba? Sige po. Salamat." reply ko naman sa kanya.

Medyo maaga pa naman kaya sabi ko e mag-FX na lang ako. Sumakay ako ng jeep sa harap ng isang mall. Pagkasakay ko e pumuwesto ako sa pinakabukana ng jeep. Malapit sa labasan kumbaga.

Pinupuno pa ang jeep kaya medyo matagal ang paghihintay ko.

Maya-maya ay nagulat ako nang may biglang humawak sa braso ko. Babae. Nasa 30 hanggang 40 na ang edad. Di naman madungis, di naman mukhang baliw. Pagkatingin ko sa kanya ay nanlilisik ang mga mata niya sa akin, titig na titig.

Di ko alam kung gaano kami katagal nagkatitigan.

"Uy, sasakay ka ba o hindi?" biglang sigaw ng driver.

Saka lang ako napaiba ng tingin. Nakita ko na parang bumabaon na ang kamay niya sa braso ko. Gusto ko siyang sigawan dahil masakit pero di ko magawa.

"Manang, aalis na kami. Ano ba yan?" sabi naman ng babae sa harap ko na nakatingin sa amin.

Saka lang ako binitawan ng babae. Tumawid siya papunta sa mall at di na ako nilingon.

Pagkaalis ng jeep ay nakaramdam na ako ng lamig. Habang nasa biyahe ay nasa isip ko pa ang mukha ng babae. Pagkababa ko sa paradahan ng FX ay agad naman ako nakasakay. Mga ilang minuto pa ay umalis na rin ang FX. Habang nasa FX ay sobrang giniginaw na ako. Nakakuyom na ang mga palad ko at halos ibaon ko na sa bag ko.

Feeling ko ilang oras ang biyahe at ilang oras akong nakaidlip sa FX.

Bumaba na ako ng FX at sumakay pa ng isang jeep. Parang babagsak na ang katawan ko.

Pagdating ko sa bahay ay sinalubong ako ng BF ko. Sabi ko pabili ng Bioflu at parang tatrangkasuhin ako.

Nagmano ako sa mama ng bf ko at sabi niya anlamig daw ng kamay ko.

Umakyat na ako sa bahay namin at nagbihis. Pagpalit ko ng damit ay parang hinampas na naman ng malamig na hangin ang katawan ko. Halos napaungol ako sa sakit sa likod.

Pagkahubad ko ng sapatos at medyas ko ay halos di ako makaapak sa sahig sa sobrang ginaw nito. Pakiramdam ko e nakaapak ako sa yelo. Tinatawanan pa ako ng bf ko dahil tumatalon-talon ako sa lamig.

Maya-maya pa ay humiga na ako. Dalawa na ang kumot ko pero anlamig pa rin. Maya-maya pa ay parang lahat ng ugat ko sa katawan ay sasabog. Lalo na sa bandang ulo at tiyan ko. Sobrang lamig ng pakiramdam ko.

Tinext na ng bf ko si Mama kaya kumaripas ng uwi si Mama sa bahay at hinilot ako. Pinasara nila ang tindahan namin dahil walang nagbabantay.

Habang iniwan nila ako. Bumili ng gamot ang bf ko at tinawag naman ni Mama ang hilot sa barangay namin. May naririnig akong nagsasalitang babae. Ewan ko kung nagdedeliryo na ako pero naririnig ko talaga siya. Pero di ko siya maintindihan. Puro hangin ang boses niya.

Iyak na ako ng iyak sa sobrang sakit ng buong katawan ko. Tapos naririnig ko pa yung babae. Pagkamulat ko ng mata ko ay may nakita akong babaeng nakalutang sa bintana namin. Nakatingin lang ito sa akin.

Lumakas na ang iyak ko sa sobrang takot. Antagal bago bumalik si Mama at ang BF ko.

Pagkabalik ng bf ko ay nakita kong lumayo ang babae sa bintana. Sinabi ko sa bf ko na may nakikita akong babae sa bintana namin. Agad niya akong niyakap pero nararamdaman ko sa likod ko na bumibilis din ang tibok ng puso niya sa kaba.

Bumalik din si Mama. Sinabi niya na di daw makakapunta ang hilot namin dahil may sugat daw sa kamay. Pinatawas na lang daw niya ako. Sabi daw ng hilot ay may nakita daw itong babae sa tawas at may diamante daw. Sabi daw baka daw may inutangan akong babae pero wala naman akong inutangang babae.

Si Mama na lang ang humilot sa akin. Pinainom na lang nila ako gamot. Ang ginawa ng bf ko ay nagpatugtog ng dalawang cellphone dahil sabi ko sa kanya dati na sa probinsiya namin ay takot ang mga maligno sa maingay. Pinatugtog niya ng malakas ang dalawang cellphone.

Maya-maya naman ay nawawala na ang nararamdaman ko at parang medyo uminit na ang katawan ko.

Nakaidlip na ako ng konti. Maya-maya ay biglang lumamig na naman ang braso ko at parang di ko na maramdaman. Umiyak na naman ako sa sakit ng ulo ko. Halos mataranta na sila dahil alam ko sobrang sakit ang nararamdaman ko at di mahina ang iyak ko.

Kung idedescribe ko yun sakit e parang lahat ng ugat mo sa katawan ay may karayom na malamig.

Maya-maya ay nawala din ito nang dumating na ang mga kapatid at hipag ng bf ko pati pamangkin namin. Dumami na ang tao na kasama ko at nawala na ang boses ng babae sa tenga ko.

Pagkakain namin ay nahimasmasan na ako at para bang wala lang nangyari sa akin.

Kaninang umaga paggising ko ay para akong binalibag kagabi. Half-day tuloy ako pagpasok.

Hay... pero hanggang ngayon ay di ko pa makalimutan ang mukha ng babae.

3 komento:

  1. naku, gel katakot naman yan! pray lang! :) and get well :D

    TumugonBurahin
  2. ewan tkot din ako, idol peo swerte ka kc nanjan bf mo pra alagaan ka

    TumugonBurahin
  3. the picture that came along your post made it more creepier! > < but anyway, you better take care gel...

    TumugonBurahin