Copyright

myfreecopyright.com registered & protected

Friday, May 27, 2011

My Seminary Series (Part 18, Ralph's Tears)


Ralph's look alike.

Yes, this episode is focused on him and ...

================================

Nagising ako na may yumuyugyog sa akin.

"Gel, gising ka na. Anong oras na."

Pagkadilat ko ng mata ko ay ang maamong mukha at ngiti ni Ralph ang natunghayan ko. Napangiti ako.

Ngumiti din siya.

Doon ko naalala na may dapat pala akong gawin sa kanya.

Bigla kong pinalitan ng simangot ang ngiti ko.

Nawala din ang ngiti sa labi niya. Bagkus ay kumunot ang noo niya.

"O, akala ko pa naman bati na tayo. Ngumiti ka na e." sabi ko pa.

"Kala ko kasi si Kuya Michael e. Kala ko anghel. Siya kasi nasa panaginip ko. Kaso nang makita kita, doon ko narealize na tapos na ang panaginip ko. Bangungot na pala kasi mukha mo ang una kong nakita." nakairap ko pang sabi.

"Ganun?" sabi pa niya na parang di naniniwala.

Di ko na siya sinagot.

Dali-dali akong tumayo at pumunta sa aparador ko. Pagkabukas ko ay may nakaipit na namang nakatuping papel doon. Nalaglag ito sa paa ko. Dinampot ko agad ito. Lumingon ako kay Ralph dahil may hinala na ako. Binasa ko ang nakasulat dito.

Pag hindi mo ako pinansin ngayon ay kukulitin pa rin kita buong araw Nakasulat sa papel.

Tiningnan ko ulit siya ng matalim at kinuyumos ang papel at tinapon sa basurahan. Nalungkot talaga ang mukha niya.

Tumalikod ako at lumabas na ng pinto pagkakuha ko ng tuwalya at iba pang gamit panligo. Palihim na nakangiti ako. Pero habang papunta ako sa banyo ay ramdam kong sumusunod na siya.

Mabuti na lang at may bukas na cubicle at agad akong pumasok at naligo. Nakita ko pang hahabol sana siya ng pasok sa cubicle pero muntikan ko nang maipit ang daliri niya ng akmang pipigilan ang pagsara ko ng pinto.

Natawa ako pero parang naawa sa kanya. Parang seryoso naman siya sa paghingi ng tawad pero likas lang siguro sa akin ang magpahabol. Bata pa lang e malandi na ako lalo na sa mga ganyang pa-tweetums.

Tinagalan ko talaga ang paliligo ko. Sa isip ko para kung naghihintay man siya ay maiwan na rin siyang hindi naliligo.

Nagtapis na ako ng tuwalya at agad na lumabas ng cubicle. Wala na si Ralph. Kahit papaano ay nainis ako. Di dahil sa di pala nangyari ang naisip ko pero dahil naisip ko na sumuko na siya sa panunuyo sa akin. Bagsak ang balikat ko na bumalik sa kuwarto.

Pagdating ko sa kuwarto ay andun na siya. Tapos nang maligo at nakabihis na. Nanghinayang ulit ako. Di ko kasi nakita ang katawan niya. (Hahaha)

Nagbihis na rin ako. Kahit ilang dangkal lang ang layo niya sa akin ay amoy ko ang bango niya. Parang gusto ko siyang yakapin. Pero pinigilan ko ang tingnan siya kahit ramdam ko na nakatitig pa rin siya sa akin.

Paglabas namin ng kuwarto ay akmang tatabi siya sa akin sa paglakad pero agad akong pumagitna kina Jayson at Hikes at inakbayan ko silang dalawa. Nagmadali agad kami papunta ng chapel. Pagkaupo namin ay um-excuse talaga siya kay Jayson na nasa kaliwa ko para tumabi sa akin.

Dahil parang alam na ng mga kasama namin sa room na nag-aaway kami ay di na nagreklamo si Jayson. Tinabihan na lang siya ni Hikes. Habang nakaupo kami ay panay ang kalabit sa akin ni Ralph. Di ko siya pinapansin. Pero ang totoo gusto ko na siyang tingnan at kausapin. Pero nanaig ang pagiging kiri ko. Nagmamaganda na ako bata pa lang. Hahaha.

"Isa pang kalabit mo at lilipat ako." babala ko sa kanya. Di pa rin ako tumitingin sa kaniya.

Tumigil nga siya.

Habang nag-rosary hanggang magmisa ay di niya ako kinukulit. Mas gusto pa niyang magkatabi kami kesa umalis ako.

Pagdating sa 'Our Father' naghawak-kamay kami. Masyado namang obvious kapag di ako humawak sa kanya. Kasama pa rin sa misa iyon.

Pagkatapos ng 'Our Father' ay bumulong siya sa akin.

"Ayan na. Sigurado ako magkakabati na tayo." sabi pa nito ng mahina.

Di pa rin ako tumingin sa kanya.

Iyon na nga ang sinasabi niya dahil 'Peace be with you' na. Ibig sabihin dapat kaming magbati. Peace e.

Tiningnan ko siya.

"Peace be with you." sabi ko sa kanya.

"Peace be with you." sabi din niya. Ngumiti pa.

Sumimangot agad ako at nag-peace be with you sa iba pa naming kasama.

Nawala ang ngiti niya.

Pagkatapos ng misa ay bumalik na sila sa kuwarto. Dahil nakaligo naman na ako ng matagal, di na ako bumalik para maligo. Tumambay na lang ako sa likuran ng seminaryo. Umupo sa mga damo. Nakaharap sa malawak na field ng seminaryo. May mga ilang kalabaw, kambing, tupa at kabayo ding kumakain ng damo sa malayo. Nag-enjoy ako sa pagtingin sa kanila na di ko namalayan na nakalapit na pala si Ralph sa akin.

"Gel, pwede ba akong umupo?" bungad nito.

"Umupo ka." parang may tonong galit pa rin.

"Pwede ba bati na tayo?" sabi agad nito sabay upo sa tabi ko.

"Bakit naman? Pwede naman tayong wag magpansinan e. Parang di lang tayo magkakilala. Pwede naman iyon e. Para di ka na mangulit pa." sarkastiko ko pang sabi.

"Di yun e. Gusto kasi kitang maging kaibigan siyempre di ako papayag na di mo ako pansinin."

"Marami diyan na pwede mong maging kaibigan." asik ko pa sa kanya.

"Ikaw ang gusto ko." sabi pa niya na may paglalambing ang boses.

Di ako sumagot.

"Sa totoo lang, ikaw lang ang gusto ko maging kaibigan." sabi pa nito.

Doon na ako lumingon. Nagtaka ako sa sinabi niya. Kumunot agad ang noo ko.

"Bakit?" di ko mapigilang itanong.

"Di ko nga alam e. Pero noong makita kita at makausap, may kung anong feeling na umusbong sa dibdib ko. Parang kapag kasama kita e parang angsaya-saya ko." sabi pa nito. Pumipikit-pikit pa habang nagpapaliwanag.

Tumawa ako.

"Wag mo sabihing nabakla ka sa akin." biro ko.

"Di ah." sabay simangot pa nito.

Tumawa lang ako sa reaction niya.

"Basta. Pwera biro. Gusto kitang maging kaibigan. Kaso ang problema sa akin e masyado akong possessive. Gusto ko ang gamit ko sa akin lang. Kapag kaibigan kita gusto ko akin lang." nahihiya nitong sabi.

"E di naman ako gamit e. Di rin pwedeng iyo lang ako. Di ka pwedeng maging selfish lalo na sa kaibigan."

"Alam ko. I'm trying to change naman e. Kaso di ko pa kaya. Kaya ko nasabi lahat ng iyon tungkol sa inyo ni Kuya Michael dahil nagseselos ako. Gusto ko kasi akin ka lang. Ako lang kaibigan mo. Sorry."

Yumuko pa ito.

Ramdam ko agad na marami siyang problema sa buhay kaya hinarap ko siya. Di ko na siya kayang tiisin.

"Feeling ko meron ka pang di sinasabi sa akin." sabi ko pa.

Tiningnan niya lang ako.

"Kung sasabihin mo sa akin ang lahat ng nasa loob mo, papayag akong maging kaibigan ko." dagdag ko pa. Ngumiti ako.

Tiningnan niya muna ako ng matagal. Bumuntung-hininga siya saka nagsalita.

"Meron kasi akong kaibigan dati. Nung elementary ako, since Grade 1 hanggang 1st year high school ako. Buong time na magkaibigan kami ay di kami halos maghiwalay. Magkakilala na mga pamilya namin. Wala kaming di sinasabi sa isa't isa. Alam niya lahat sa akin at ako sa kanya."

Tumigil muna si Ralph. Tumango lang ako para sabihin na magpatuloy siya.

"Masyado kaming close sa isa't isa. Pero..." nag-aalangan pa siya kung magpapatuloy pa siya. Nakita ko na parang nangilid ang luha niya sa mga mata.

Hinawakan ko siya sa kamay. Tumingin siya sa akin uli. Ngumiti lang ako at pinisil ko ang kamay niya.

"last year, namatay siya. Nasaksak siya nang pauwi na kami. Baliw yung nakasaksak sa kanya gamit ang barbecue stick."

Saka tumulo ang luha ni Ralph. Nakapikit na siya at tuluyan nang umiyak.

"Di na siya umabot sa ospital dahil sa leeg siya nasaksak." pagpapatuloy nito. "Di ko kaya kasi sa harap ko siya mismo nasaksak. Di ko siya naprotektahan. Wala akong kuwentang kaibigan. "

Saka na siya humagulgol ng malakas.

Di niya na nakayanan. Yumakap na siya sa akin at umiyak nang umiyak. Hinimas-himas ko na lang ang likod niya. Matagal kaming ganoon. Dumaan pa sina Jayson at Hikes sa amin. Sinenyasan ko na lang sila na mauna na.

Hinawakan ko ang magkabilang pisngi ni Ralph. Tiningnan ko siya sa mga mata. Parang siya pa yung mas bata sa amin. Ngumiti ako sa kanya at pinisil ang magkabilang pisngi niya.

"Sige. Simula ngayon magkaibigan na tayo. Okay? Pero kailangan mong kontrolin yang ugali mo na pagiging selfish. Kasi diyan tayo mag-aaway." seryoso kong sabi sa kanya.

"Try ko." mahina niyang sagot.

"Di pwedeng try. Dapat gawin mo."

"Di ko kasi kaya na magkaroon ng kaagaw sa iyo e." parang batang sabi pa nito.

"wag ka mag-alala. Marami man akong kaibigan pero ikaw na simula ngayon ang bestfriend ko." saka ko siya niyakap.

"Thank you ha?" sabi pa nito.

"You're welcome." sabi ko naman.

Ako ang unang bumawi sa yakap niya.

"Tara na. Late na tayo." sabi ko pa habang pinupunasan ang luha niya.

"Sige." sabay akbay sa akin. "Tara na bestfriend."

Tuwang-tuwa ako na bati na kami. Pero parang may kumirot sa dibdib ko.

"Bestfriend"

Isang katagang nakalaan lang dapat para sa isang tao. Isang tao na wala na ngayon sa tabi ko. Kahit marami akong tawaging bestfriend, di pa rin noon maihahambing sa tunay kong bestfriend... si Jan.

Tiningnan ko ang mukha ni Ralph.

Naisip ko, sana di mangyari sa amin ang nangyari sa amin ni Jan. Kung maging bestfriends man kami sana doon na lang. Wag nang lumalim pa. Okay na ako sa ganito. Masaya na kami sa ganito.

Tumingin sa akin si Ralph dahil nakatitig ako sa mukha niya.

Ngumiti lang siya at inuntog ang noo niya sa noo ko. Muntikan nang maging halik. Pero hanggang doon lang.

Nang nasa pinto na kami ng classroom e saka niya ako binitawan.

"Sige, daanan na lang kita pagkatapos ng klase." paalam pa nito.

Tiningnan ko ang classroom. Wala pa si Father Bong. Tiningnan ko si Ralph habang papalayo. Lumilingon-lingon pa ito. Naisip ko sana maging totoong mag-bestfriend nga kami.

"Jan..." iyon lang ang namutawi sa labi ko.

=================================================


Reminder:

!!!Not for reposting!!! Please? This is a personal story. Not fiction so please do not re-post as your own. Thank you.

Don't forget to follow.'

For suggestions or comments, please feel free to message me at 09213450145. Thank you.

2 comments:

  1. aaww.. kala ko hindi na kayo magkakabati ni Ralph ee.. haiizt .. and also, i missed Jan :( ano na kaya nangyari sa kanya??

    ReplyDelete
  2. Cute. Hay, ganyan ako katulad ni Ralph. Masyadong possessive. Kaya nga buong May kami nag-away ng bestfriend ko. We are about break our friendship at tinapos ko siya nung Wednesday pero mula kahapon, he tried hos best kasi ba naman ayaw akong pansinin for past two weeks. Kanina tumawag siya at nag-sorry, At ayun nagkabati na kami... :)

    Natuwa lang ako sa pagkwento! Nice story talaga Dark! :))

    ReplyDelete